PROJECT PBB

(Pag-asa ang hatid ng Batang Bumabasa)

Isang batayang kakayahan sa pagkatuto ang literasi: pagbasa at pagsulat. Ang mga ito ang tungtungan ng mag-aaral tungo sa pagtuklas ng mas mataas na antas ng kaalaman. Kung gayon, marapat lamang ang sistematikong paglinang sa mga kakayahang ito lalo’t higit sa pagbasa. Kinikilala ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang mga ito kaya naglunsad sila ng Every Child a Reader Program (ECARP) na may layuning mapaigting ang mga inisyatiba at programa upang maging mahusay sa pagbabasa ang mga mag-aaral at maisulong ang kultura ng pagbabasa. Isa pang mandato ng DepEd na may kaugnay na nilalaman ang DepEd Memorandum 173, s. 2019 “Hamon: Bawat Bata Bumabasa (3Bs)”  hinihikayat nito ang lahat ng ahensiya upang paigtingin ang adbokasiya sa pagbabasa at pagtatalaga na magawang lahat ng bata ay bumabasa. 

 Sa mga prinsipyong ito nakasandig ang pagbuo sa proyekto ng Kagawaran ng Filipino ng Subic National High School (SNHS)—Project PBB (Pag-asa ang hatid ng Batang Bumabasa)— isang programa sa pagbabasa na naglalayong maging katuwang ng DepEd sa pagtupad ng layunin nitong lahat ng bata ay bumabasa nasa paaralan man o wala. Magsisilbi itong tagapagtaguyod sa pagpanday ng kasanayan sa pagbabasa ng mga mag-aaral; gayundin, ng higit pang pagsasanay ng mga guro upang maging mas mabisang instrumento sa pagkatuto sa pagbasa. Dagdag pa rito, adhikain din nito ang pagsusulong at pagpapaunlad ng kultura ng pagbabasa sa mga paaralan at komunidad.  

 Pinamumunuan ang programa nina Evangeline P. Romano— tagapag-ugnay ng programa sa pagbasa sa Filipino, — kasama ang kaniyang katuwang na tagapag-ugnay na si Donna G. Allejos. Kailangan ng isang buong komunidad, ika nga, upang makapagpalaki ng isang mambabasa. Dahil dito, kaagapay nila sa pagsusulong ng proyekto ang kanilang mga kapwa-guro sa Filipino ng SNHS, sabihin pa, ang buong komunidad sa loob at labas ng paaralan na may mga kritikal na papel sa paghubog sa mga “pag-asa ng bayan.”